DOH umapila sa publiko na huwag magpanic kasunod ng kumpirmasyon ng local case ng Delta variant sa bansa
Umapila si Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire sa publiko na huwag magpanic kasunod ng kumpirmasyon na may local case na ng Delta variant ng Covid 19 sa bansa.
Ayon kay Vergeire, pinakamabisang proteksyon laban rito ang bakuna at mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask at shield at physical distancing.
Hinikayat rin ng DOH ang publiko na iwasan ang mga matataong lugar at mahigpit na sumunod sa patakaran na nagbabawal sa mga party na maaaring maging super spreader event.
Kasabay nito, nilinaw ni Dr. Alethea de Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng DOH, na wala pang local transmission ng Delta variant sa bansa.
Pero may nakita naman silang clustering ng kaso sa Cagayan de Oro kung saan may 5 delta variant ang naitala.
Pero sa ngayon, wala pa aniya silang nakitang koneksyon sa mga ito.
Maliban rito, may 2 Delta variant din ang naitala sa Maynila, 1 sa Misamis Oriental, 2 sa Antique at 1 na taga-Pampanga pero sa NCR nagpatest.
Nilinaw naman ni Philippine Genome Center Executive Director Cynthia Saloma, na galing sa ibang bansa ang nakita nilang mutation ng Delta variant sa bansa.
Sa ngayon ayon sa DOH, lahat ng 35 na naitalang Delta variant case sa kabuuan dito sa bansa ay nakarekober na maliban sa 2 na nasawi.
Madz Moratillo