DOH umapila sa publiko na sumunod sa Health protocol at suportahan ang Vaccination program para maging epektibo ang ECQ
Patuloy ang panawagan ng Department of Health (DOH) sa publiko na patuloy pa ring sumunod sa minimum public Health standards at suportahan ang vaccination program ng Gobyerno.
Sa isang statement, sinabi ng DOH na kung makikipagtulungan ang publiko, sasapat ang ipinatutupad na mahigpit na Community Quarantine ng pamahalaan para mapababa ang transmission ng Covid-19.
Ang panawagan ng DOH ay kasunod ng patuloy na pagtaas pa ng mga variant ng Covid-19 na nakakapasok sa bansa.
Una rito, iniulat ng DOH na batay sa pinakahuling sequencing ng Philippine Genome Center (PGC), umabot na sa 392 ang UK variant cases sa bansa, 344 naman ang South African variant, 2 ang Brazilian variant at 123 naman ang P.3.
Nilinaw naman ng DOH na ang P.3 o kilala rin sa tawag na Philippine variant, ay hindi variant of concern.
Ibig sabihin wala pang mga ebidensya na nakita na may epekto ito sa galaw ng virus.
Madz Moratillo