DOH,iginiit na walang shortage ng paracetamol at iba pang kahalintulad na gamot nito sa bansa
Nagkakaubusan na ngayon ng mga tindang paracetamol at iba pang gamot sa ubo at sipon sa mga botika sa Metro Manila.
Gaya nalang sa Caloocan na naabutan ng Eagle News team ang mahabang pila ng mga bumibili ng gamot.
May isang botika ang sarado pa, pero pila na ang tao sa labas.
Ang ibang botika naman sa Quezon City, naglagay na ng paskil na wala na silang tindang paracetamol at iba pang gamot para sa flu like symptoms.
Sa gitna naman ng shortage na ito, iginiit ng Department of Health na walang kakulangan sa suplay ng paracetamol at iba pang gamot sa flu dito sa bansa.
Ayon sa DOH, matapos makatanggap ng report hinggil sa nasabing shortage ng supply agad silang nakipag ugnayan sa major drugstore chains at local manufacturers at suppliers sa bansa.
Tiniyak ng DOH na bagamat may mataas na demand ng mga nasabing gamot, hindi nagkukulang ang suplay nito.
Paliwanag pa ng DOH, may mga generic na paracetamol na pwedeng gawing alternatibong gamot.
Tiniyak rin ng DOH ang patuloy na monitoring sa estado ng supply ng mga gamot na ginagamit panggamot sa mga sintomas ng COVID-19.
Umapila naman ang DOH sa publiko na huwag mag hoard o mag panic buying ng mga gamot kung hindi naman kailangan.
Samantala, naglabas naman ng statement ang pharmaceutical company na Unilab at iginiit na ang pagkaubos ng supply ng ilan sa kanilang gamot ay dahil sa extraordinary demand.
Temporary lang umano ito at nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang retailers para sa mabilis na replenishment ng supplies.
Madz Moratillo