DOJ: 300 PDLs posibleng magawaran ng executive clemency sa kaarawan ni PBBM sa Sept.13
Inihahanda na ng Department of Justice (DOJ) ang listahan ng mga bilanggo na irirekomenda nito kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para gawaran ng executive clemency sa kaarawan nito sa Setyembre 13.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano na 300 persons deprived of liberty (PDLs) ang nakatakdang irekomenda ng kagawaran sa Office of the President at Office of the Executive Secretary.
Aniya, planong isumite ng DOJ ang listahan sa darating na Huwebes o Biyernes.
Mula sa nasabing listahan aniya ay pipili ang presidente kung sinu-sino ang gagawaran ng executive clemency.
Tuwing Disyembre kadalasan nagsusumite ng rekomendasyon ang DOJ ng pangalan ng qualified PDLs sa Palasyo.
Pero ngayon ay nagpasya ang kagawaran na gawin ito sa birthday ng pangulo.
Kapag nabigyan ng executive clemency ang PDL ay mabubura na ang lahat ng mga kriminal na pananagutan nito.
Ayon kay Clavano, malaki rin ang maitutulong ng nasabing hakbangin para ma-decongest ang New Bilibid Prisons (NBP) na 330% ang congestion rate.
Moira Encina