DOJ aminado na kailangan ng “major breakthrough” sa kaso ng mga nawawalang sabungero
Inamin ni Justice Secretary Crispin Remulla na nahihirapan ang mga otoridad na maisilbi ang mga arrest warrant laban sa mga suspek sa kaso ng mga missing sabungero.
Ayon kay Remulla, may anim na warrants of arrest laban sa mga akusado ng mga nawawalang sabungero.
Pero hindi aniya maisilbi ng mga otoridad ang warrants of arrest sa anim dahil hindi pa rin matunton ang mga ito.
Partikular ito sa anim na guwardiya ng Manila Arena na akusado sa pagkawala ng ilang sabungero sa Tanay, Rizal noong Enero 13, 2022.
Sinabi pa Remulla na kuwestiyonable ang representasyon ng mga abogado tulad ni Atty. Raymund Fortun sa mga at-large na akusado sa korte.
Nangangahulugan aniya na kinakanlong ng mga ito ang kanilang kliyente kahit alam nilang may arrest warrant laban sa mga ito.
Aminado pa si Remulla na kailangan nila ng malaking breakthrough gaya ng testigo na may hawak na ebidensya na makapagtuturo sa utak ng pagdukot sa mga sabungero.
Moira Encina