DOJ at Comelec magtutulungan sa paghabol at pagpapanagot sa mga bumibili ng boto
Palalakasin ng Commission on Elections (Comelec) at Department of Justice (DOJ) ang laban sa vote buying and selling partikular sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
Nilagdaan nitong Lunes ng Comelec at DOJ ang memorandum of agreement (MOA) para sa Kontra Bigay Program sa BSKE.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, makasaysayan ito dahil ito ay mensahe sa mga Pilipino na pahalagahan at ingatan ang kanilang boto.
Layon aniya ng pagsasanib-puwersa ng DOJ at poll body na masigurong makakasuhan at mapapanagot sa ilalim ng batas ang mga bumibili ng boto ng publiko.
Sinabi ng kalihim na nakaantabay ang mga piskal sa simula ng election period at magkakaroon din ng legal assistance desk upang matugunan ang mga reklamo ng paglabag sa halalan na isasampa sa nasabing panahon.
Aminado si Comelec Chair George Erwin Garcia na hirap ang poll body na makasuhan at mapanagot ang mga lumalabag sa vote buying bunsod na rin sa mga butas sa 1985 Omnibus Election Code.
Tiwala si Garcia na ngayong katuwang na ng Comelec ang DOJ sa prosekusyon ng mga kaso ay mas lalakas ang paglaban nila sa pamimili ng boto na tinawag niyang makabagong kanser sa demokrasya ng bansa.
Kaugnay nito, nanawagan ang DOJ at Comelec sa publiko na tulungan sila sa kampanya laban sa vote buying sa pamamagitan ng pagreport at pagbibigay ng statement sa mga nasaksihan na mga paglabag sa election laws.
Moira Encina