DOJ at DFA nakipag-pulong sa mga kinatawan ng Chinese fishing vessel na nakabangga sa FB Gem- Ver1
Tinalakay sa pakikipag-pulong ng DOJ at DFA sa mga kinatawan ng may-ari ng Chinese fishing vessel na sangkot sa banggaan sa F/B Gem-Ver 1 ang kompensasyon sa mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay Justice Usec. Adrian Sugay, isinagawa ang pagpupulong noong Lunes, Hunyo 7 kung saan pangunahin sa pinag-usapan ay ang actual at moral damages na dapat ibigay sa mga Pinoy owners at crew ng lumubog na Gem-Ver.
Sinabi ni Sugay na iginiit ng Pilipinas ang compensation claim ng mga may-ari at crew members ng Gem-Ver para sa pinsalang tinamo ng fishing vessel, nawalang kita, at sa dinanas nilang moral suffering at mental anguish.
Aniya ipinunto ng DOJ at DFA panel na bigo ang mga crew ng Chinese vessel na tulungan ang mga Pinoy na mangingisda na malinaw na nangangailangan ng saklolo sa karagatan na paglabag sa international conventions at maritime law.
Inihayag ng opisyal na pormal ding ipinabatid ng mga kinatawan ng Chinese vessel sa owner at crew ng Gem-Ver ang kanilang counter-proposal.
Hindi naman tinukoy ni Sugay ang detalye ng counter-proposal ng panig ng Chinese vessel.
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources naman ang direktang makikipag-ugnayan sa DOJ para matiyak na makatatanggap ng patas at akmang kompensasyon ang mga Pinoy crew.
Ang Gem-Ver1 ay lumubog matapos na mabangga ng isang Chinese vessel noong madaling araw ng June 9, 2019 malapit sa Recto Bank.
Iniwan ng Chinese vessel sa karagatan ang mga Pinoy na mangingisda ng Gem-Ver at nasagip lang nang may dumaan na Vietnamese vessel.
Moira Encina