DOJ at IBP lumagda ng kasunduan para sa pagkakaloob ng legal assistance sa publiko na hindi pwedeng hawakan ng PAO
Nagkasundo ang DOJ Action Center at Integrated Bar of the Philippines para sa pagbibigay ng libreng legal service at assistance sa publiko na hindi kwalipikado na maging kliyente ng Public Attorneys’ Office.
Ito ay sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement na nilagdaan nina Justice Secretary Menardo Guevarra at IBP National President Domingo Egon Cayosa kaalinsabay ng ika-36 na anibersaryo ng DOJ Action Center o DOJAC.
Batid ng DOJ at IBP ang pangangailangan para mapalakas pa ang public legal service upang epektibong matugunan ang mga reklamo at katanungan ng mga kliyente na hindi pasok sa depenisyon ng indigent client o diskwalipikado sa pagkuha ng serbisyo ng PAO.
Alinsunod sa kasunduan, iiendorso ng DOJAC sa IBP National Office ang mga may meritong reklamo o kaso ng mga kliyente nito na hindi pwedeng hawakan ng PAO.
Kailangan naman na i-accomodate at i-evaluate ng IBP ang mga ini-refer na kaso sa kanila ng DOJAC.
Ang mga qualified clients naman ay papayuhan ng IBP kung papaano makakalibre sa pagbabayad ng legal fees sa ilalim ng IBP Free Legal Aid Program at iuugnay sila sa IBP Chapter o IBP free legal unit na may kakayanan na tulungan sila sa paghawak ng kaso.
Kung sakaling hindi kwalipikado ang kliyente sa libreng legal aid ng IBP ay iri-refer ito ng IBP sa abogado o law group na handang hawakan ang kaso sa mas mababang bayad o socialized legal fees.
Moira Encina