DOJ at NBI makikipagtulungan sa Europol
Nakipagpulong ang mga opisyal ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) sa European Union Agency for Law Enforcement Cooperation (Europol) sa The Hague sa The Netherlands para mapalakas ang koordinasyon sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga krimen.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, ang pakikipag-ugnayan sa Europol at iba pang foreign counterparts ay oportunidad para maibahagi ang best practices at mga mekanismo upang mas epektibong matugunan ang mga krimen.
Inilahad naman ni NBI Director Medardo De Lemos sa pagharap sa mga opisyal ng Europol ang mga trabaho at prayoridad ng NBI partikular na ang kampanya laban sa organized crime syndicates, cybercrime at online sexual exploitation of children.
Naniniwala si De Lemos na sa pakikipag-tulungan sa Europol ay mas mapapalakas ng NBI ang hakbangin para malabanan ang cross-border crimes.
Bukod sa Europol ay humarap din ang DOJ at NBI officials sa mga kinatawan ng The Hague Conference on Private International Law (HCCH), European Union Agency for Criminal Justice Cooperation (Eurojust), at Permanent Court of Arbitration (PCA).
Moira Encina