DOJ at NBI , pinakikilos para imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa quarantine facility ng ilang balikbayan na naka isolate
Pinakikilos ni Senator Christopher Bong Go ang Department of Justice at NBI na imbestigahan ang mga kaso ng paglabas sa quarantine facility ng ilang balikbayan habang naka isolate.
Sinabi ni Go na Chairman ng Senate Committee on Health na dapat malaman kung may mga nagsasabwatan at nagsasamantala para hindi na dumaan sa quarantine hotel o facility ang mga balikbayan.
Kasama sa nais niyang paimbestigahan ang mga airport personnel dahil baka dito pa lang nagkakaroon na ng sabwatan.
Pangamba ng Senador baka isa ito sa dahilan kaya biglang sumirit ang kaso ng COVID- 19 lalo na sa Metro manila.
Tinukoy nito ang kaso ni Gwyneth Chua na lumabas sa quarantine hotel na positive pala sa virus dahilan kaya sampu sa dinaluhan nitong gathering ang nahawa niya sa virus.
Dapat tingnan ayon sa Senador kung may katulad itong kaso sa iba pang quarantine hotel lalo’t wala namang mga taga gobyerno ang nagbabantay kung sumusunod nga ba sila sa quarantine protocol.
Sayang aniya ang mga ginawang paglaban ng gobyerno kung may mga tiwali at hindi sumusunod tulad ng ginawa ni Gwyneth Chua at isa pang balikbayan.
Kasabay nito umapila siya sa mga LGU na paspasan ang pagbibigay ng bakuna at booster shot.
Kailangang pigilan aniya sa pamamagitan ng bakuna ang pagsirit ng kaso sa mga ospital at hindi malinaw sa datos na ang mga matinding tinatamaan ay mga hindi bakunado.
Meanne Corvera