DOJ beberipikahin ang sinasabing banta sa buhay ni Alice Guo
Iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang sinabi ni dating Mayor Alice Guo na mayroong banta sa buhay nito.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, siniseryoso nila ang sinasabing death threat kaya beberipikahin nila ito dahil nais nila na masagot ni Guo ang mga kaso laban dito.
Gayunman, nilinaw ni Clavano na hindi ibig sabihin nito na pinapaniwalaan na ng DOJ ang pahayag ni Guo.
Sinabi pa ni Clavano na nananatiling nasa legal custody ng Bureau of Immigration (BI) si Guo kahit may arrest order ang korte sa Capas, Tarlac.
Aniya ang pinagbatayan nang pag-aresto kay Guo sa Indonesia ay ang illegal exit nito sa Pilipinas.
Iba aniya ang legal custody ng BI sa physical custody ng PNP kay Guo.
Inihayag pa ng opisyal na malapit nang matapos ng DOJ ang imbestigasyon sa mga opisyal ng pamahalaan at pribadong indibiduwal na kasabwat sa pagpapatakas kina Guo.
Sina Guo ay sinasabing umalis ng bansa papuntang Malaysia sakay ng bangkang pangisda.
Hindi nagbigay ng dagdag na impormasyon si Clavano kung sinu-suno ang mga ito pero may matibay na ebidensya silang hawak.
Pero kinumpirma niya na may mga person of interest mula sa mga tauhan ng BI.
Umaasa ang DOJ na magsalita na si Guo at sabihin ang katotohanan sa mga kontrobersyang kinasasangkutan nito.
Moira Encina – Cruz