DOJ binabalangkas na ang kasunduan sa PNP para marebyu ang drug war at EJK records
Binubuo na ng DOJ ang memorandum of agreement sa pagitan nito at ng PNP para masilip ng kagawaran ang case records ng mga operasyon kontra iligal na droga ng pulisya.
Ayon kay Justice Usec. Adrian Sugay, inaasahan ng DOJ na maisasapinal nila ang kasunduan sa mga susunod na araw.
Gayunman, nakatakda na rin aniyang makipag-ugnayan ang departamento sa Pambansang Pulisya bilang paghahanda sa pagrebyu sa case files ng drug operations at extra-judicial killings.
Una nang inihayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na pumayag si PNP Chief Guillermo Eleazar na ma-access ng DOJ ang case records ng mga pulis na nakitaan ng paglabag matapos mamatay ang mga suspek sa anti-drugs operations.
Napagkasunduan ng dalawang opisyal sa kanilang pagpupulong na magkaroon ng aktibong kolaborasyon ang DOJ at PNP sa pagiimbestiga sa kaso ng EJK at pagrebyu sa operasyon ng pulisya na nagresulta sa pagkamatay ng drug suspects.
Moira Encina