DOJ binubusisi pa ang reklamong murder vs NCRPO personnel na idinadawit sa Bilibid inmates death
Wala pang naitatakdang petsa ng pagdinig ang DOJ sa reklamong murder na inihain ng NBI laban sa mahigit 20 tauhan ng NCR kaugnay sa kuwestiyonableng pagkamatay ng ilang high-profile inmates sa New Bilibid Prisons.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, patuloy pang ini-evaluate ng DOJ panel of prosecutors ang reklamong murder na isinampa ng NBI laban sa 22 pulis at tauhan ng NCRPO na isinasangkot sa Bilibid inmates death.
Hindi pa masabi ni Malcontento kung sa susunod na linggo ay makapagtakda na sila ng petsa ng hearing at makapaglabas ng subpoena laban sa mga respondents.
Aniya depende ito sa kalalabasan ng kanilang evaluation sa walong counts ng murder na inihain ng NBI.
Matatandaang inimbestigahan ng NBI ang pagkamatay ni Jaybee Sebastian at walong iba pang high-profile na preso sa Bilibid.
Ang mga inmates ay sinasabing namatay dahil sa COVID-19 o komplikasyon habang nasa isolation facility sa NBP na nasa kontrol ng mga miyembro ng NCRPO security at medical teams.
Sa imbestigasyon ng NBI, nabatid na namatay ang mga PDLs matapos na ihiwalay at ilipat sa comfortable isolation rooms.
Wala ring napansin kakaiba ang mga testigo sa mga namatay na PDLs na pawang masigla at normal.
Ayon pa sa NBI, bago rin dalhin sa ospital ang mga inmates ay lumipas na rin ang mahabang oras o panahon.
Hindi rin nakitaan ng anumang chronic symptoms ng COVID ang mga preso ilang araw bago sila namatay.
Samantala, wala pang naitatalaga si Justice Secretary Crispin Remulla na officer-in-charge sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni Atty Mico Clavano mula sa tanggapan ni Remulla na wala pang formal designation sa ngayon.
Isa ang BuCor sa tinukoy ni Remulla sa tatlong attached agencies ng DOJ na pangunahin niyang tututukan sa gagawing paglilinis sa mga ahensya mula sa mga sindikato at katiwalian.
Moira Encina