DOJ, bukas sa pagbabago ng polisiya ng bansa sa ICC
Patuloy na pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang ukol sa mga resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nananawagang makipagtulungan ang gobyerno sa drug war probe ng International Criminal Court (ICC).
Pero sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na hindi nagbabago ang posisyon ng Kagawaran na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil kumalas na ang bansa rito noong 2019.
Una nang inihayag ni Vice President Sara Duterte na kakausapin niya ang DOJ para igiit na hindi dapat makipagtulungan ang Pilipinas sa ICC probe.
Aminado naman si Clavano na bukas ang DOJ kung magbabago ang polisiya ng bansa sa usapin.
Hindi masabi ng opisyal kung aanib muli ang bansa sa ICC dahil maraming legal issues na dapat munang mapag-aralan.
“And I think dito po sa amin sa DOJ, sa ngayon ito pa rin po ‘yung stand namin na wala pong jurisdiction ang ICC. Although, of course, magiging bukas kami if ever meron po tayong nakikitang pagbabago sa polisiya” ani Clavano.
Moira Encina