DOJ bumuo na ng sariling transition team
Pinaghahandaan na rin ng kasalukuyang liderato ng Department of Justice ang nalalapit na pagbabago ng administrasyon.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na lumikha na sila ng transition committee sa loob ng DOJ.
Ayon kay Guevarra, layunin nito na masiguro na magiging maayos ang paglilipat ng mga trabaho sa DOJ sa susunod na pinuno nito.
Una nang kinumpirma ni Cavite Representative Crispin “Boying” Remulla na tinanggap na niya ang nominasyon sa kanya ni presumptive President Bongbong Marcos Jr. para maging susunod na kalihim ng departamento.
Umaasa si Guevarra na mapapanatili ng papalit sa kanya na kalihim ang reputasyon ng DOJ bilang tanggapan na mapagkakatiwalaan ng publiko.
Gayundin, hiling ni Guevarra na maitutuloy ng susunod na liderato ng DOJ ang paggiit sa rule of law.
Ilan sa mga magiging gampanin ng susunod na justice secretary ay ang pagiging miyembro ng Anti- Terrorism Council at pinuno ng Administrative Order 35 Task Force na nag-iimbestiga sa extra-judicial killings.
Pamumunuan din ng incoming secretary ng DOJ ang drug war review panel at Task Force Against Corruption na parehong nilikha sa ilalim ng Duterte Government.
Moira Encina