DOJ bumuo na ng special panel of prosecutors na didinig sa kasong inciting to sedition laban sa mga isinasangkot sa Project Sodoma
Ipinagutos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagbuo ng special panel of prosecutors na didinig sa kasong inciting to sedition at iba pa laban sa mga taga-oposisyon na idinadawit sa Project Sodoma.
Sa Department Order 366 na may lagda ni Guevarra, binubuo ang special panel nina Senior Assistant State Prosecutor Olivia Torrevillas, Assistant State Prosecutor Michael John Humarang at Assistant State Prosecutor Gino Paolo Santiago.
Kabilang sa kinasuhan ng PNP -CIDG sina Vice President Leni Robredo, dating Senador Antonio Trillanes IV at iba pang mga taga-oposisyon at mga paring Katoliko.
Nahaharap din sa mga reklamong cyberlibel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice ang mga respondents.
Kasama rin sa inireklamo si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy pero naghain ito ng salaysay bilang testigo ng CIDG.
Ayon sa salaysay ni Advincula, parte ng Project Sodoma ang serye ng Ang Totoong Narcolist videos.
Layon anya ng Project Sodoma na pabagsakin ang pamahalaang Duterte sa pamamagitan ng pagugnay sa pangulo at sa pamilya nito sa iligal na droga.
Ulat ni Moira Encina