DOJ, COA at Ombudsman lumagda na sa kasunduan para sa pagtatalaga ng mga resident ombudsmen sa graft-prone agencies
Magtatalaga na ng DOJ prosecutors at COA auditors bilang resident ombudsmen sa mga graft-prone agencies.
Ito ay makaraang lumagda ang Office of the Ombudsman (OMB), Commission on Audit (COA), at ang Department of Justice (DOJ) sa memorandum of agreement.
Ayon sa DOJ, kabilang sa mga gampanin ng resident ombudsmen ay ang aksyunan ang mga reklamo at ulat laban sa mga opisyal at kawani ng mga ahensya.
Ang mga resident ombudsmen din ang magsisilbing watchdogs at tagapagpatupad ng corruption prevention programs sa mga ahensya.
Imo-monitor din ng mga ito ang pagtugon ng mga ahensya sa mga umiiral na anti-graft laws and regulations.
Nakatakda namang pumasok sa mga kasunduan ang OMB, COA, at DOJ sa partner agencies kaugnay sa terms of deployment ng resident Ombudsmen.
Inaasahang ngayong Setyembre ay magsisimula ang deployment ng mga piskal at auditors bilang resident ombudsmen.
Inihayag ng DOJ na masi-synergize ng kasunduan ang investigatory powers ng OMB, COA, at DOJ sa pagpapatupad ng mga hakbangin kontra katiwalian.
Ayon sa DOJ, bunsod ng kasunduan ay matutulungan ang COA at OMB sa pagganap ng mandato nito at magsisilbi rin itong mekanismo ng DOJ para makamit ang mga layunin ng Task Force Against Corruption.
Moira Encina