DOJ: Dating US diplomat na nahaharap sa reklamong child abuse, maaaring i-extradite sa PH
Posibleng i-extradite sa Pilipinas ang dating US Foreign Service Member na pinaratangan ng child abuse.
Si Dean Cheves, 61 taong gulang ay kinasuhan sa Amerika dahil sa illicit sexual conduct sa isang 16 anyos na Pinay habang ito ay nasa Pilipinas at possession ng child pornography.
Si Cheves ay naitalaga sa US Embassy sa Maynila sa pagitan ng Setyembre 2020 at Pebrero 2021.
Ayon kay Guevarra, nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa Department of Foreign Affairs (DFA) ukol sa mga isyu gaya ng diplomatic immunity sa ilalim ng Vienna Convention at territorial jurisdiction.
Sa oras aniya na malinawan ang mga nasabing usapin ay makikipag-ugnayan naman ang DOJ sa counterpart nila sa US sa ilalim ng Mutual Legal Assistance Treaty (MLAT) ng Pilipinas at Amerika.
Sinabi ni Guevarra na depende sa mga ebidensya na makakalap ay maaaring papanagutin si Cheves sa mga kasong kriminal at sibil sa ilalim ng Anti- Child Abuse law, Anti-Child Pornography Act, Anti-Human Trafficking law, at Revised Penal Code ng Pilipinas.
Aniya sa oras na masampahan ng alinman o lahat ng mga nabanggit na kaso si Cheves sa bansa ay maaaring i-extradite ang dayuhan sa Pilipinas
Batay sa ulat ng US DOJ, si Cheves ay kinasuhan sa korte sa Eastern District of Virginia ng isang count ng engaging in illicit sexual conduct in a foreign place at isang count ng possessing child pornography.
Moira Encina