DOJ handang ilagay sa WPP ang mga testigo sa drug war killings
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) sa pamilya ng mga biktima ng drug war killings ang patas na imbestigasyon.
Ito ay sa harap ng paggiit ng Pilipinas na may sariling legal system ito at walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa bansa.
Pero sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na kailangan nila ng mga testigo at mga ebidensiya para makasuhan at mapanagot ang mga may kinalaman sa pagpaslang kaugnay sa drug war campaign.
Aniya, hindi puwede na mag-imbento ang DOJ ng mga ebidensiya laban sa mga inaakusahan.
Ayon pa sa kalihim, may mga sinusubukan silang kausapin na mga grupo kaugnay sa mga imbestigasyon sa drug war pero umaatras ang mga ito.
“Basta may testimonya at may ebidensya, hindi mahirap eh. Kung magpakulong ako ng tao na walang kasalanan, tanong ko sa inyo…papayag ba kayo kung kayo ay ikukulong ng walang ebidensiya? Tanong ko mismo… kung kayo maakusahan, gusto nyo ba ikulong? “
Kaugnay nito, hinimok ng kagawaran ang mga testigo o sinumang may nalalaman sa drug war deaths na lumapit sa DOJ.
Sinabi ni Remulla na handa ang departamento na ilagay ang mga ito sa witness protection program (WPP) kung kinakailangan.
Moira Encina