DOJ handang tumulong sa PhilHealth sa imbestigasyon sa sinasabing ‘upcasing’ schemes para makakuha ng mas malaking benepisyo
Tiwala si Justice Secretary Menardo Guevarra sa kakayanan ng PhilHealth na imbestigahan ang panibagong alegasyon ng ‘upcasing’ schemes kaugnay sa mga COVID-19 claims.
Ito ay sa harap ng mga naglabasang video posts na nagsasabing nakikipagsabwatan ang mga healthcare providers sa mga pasyente para ideklarang COVID-19 ang mga minor respiratory symptoms gaya ng hika para makakuha ng mas malaking benefit payment.
Ayon kay Guevarra, noong nakaraang taon ay inimbestigahan na ng DOJ- led Task Force PhilHealth ang mga isyu ng ‘upcasing’ modus at nakapaghain na sila ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
Sinabi ng kalihim na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng state health insurer ang mga bagong insidente ng ‘upcasing.’
Naniniwala si Guevarra na sa pangunguna ni PhilHealth President Dante Gierran na dating hepe ng NBI ay maayos na maisasagawa ng ahensya ang imbestigasyon sa isyu.
Gayunman, handa anya ang DOJ o NBI na umalalay sa imbestigasyon ng PhilHealth kung ito ay kakailanganin.
Moira Encina