DOJ hihingi ng hiwalay na alokasyon ng COVID-19 vaccines para sa mga PDLs
Nais ng DOJ na mabigyan ng hiwalay na alokasyon ng bakuna kontra COVID-19 ang mga persons deprived of liberty (PDLs) sa mga jail facilities ng Bureau of Corrections.
Ito ay lalo na’t dumarating na sa bansa ang mas maraming suplay ng anti- COVID vaccines at kakaunti pa lamang ang mga inmates na nababakunahan.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hihilingin niya sa tanggapan ni Vaccine czar Sec. Carlito Galvez na mapaglaanan din ng sariling bakuna ang mga PDLs.
Maliban pa ito sa mga COVID vaccines na ibinibigay ng LGUs sa BuCor facilities.
Ayon sa kalihim, mahalaga na maturukan na rin ang mas maraming inmates dahil sa siksikan na kondisyon sa mga kulungan.
Sa pinakahuling datos, umaabot pa lamang sa 4,774 na inmates mula sa mahigit 20,000 eligible prison population ng pitong penal farms at colonies ng BuCor ang nakatanggap ng una at ikalawang dose ng COVID vaccines.
Pinakamarami sa mga bakunado ay ang mga mula sa Correctional Institution for Women na 3,100 PDLs na fully- vaccinated mula sa 3,341 na populasyon nito.
Habang sa New Bilibid Prison ay kabuuang 1,414 pa lang ang naturukan mula sa mahigit 20,000 populasyon nito.
Moira Encina