DOJ hihingi ng pinal na report sa NBI at PCG kaugnay sa nakolektang langis mula sa lumubog na MTKR Jason Bradley
Ikinatuwa ng Department of Justice (DOJ) ang ulat na naiahon na mula sa karagatan ang lumubog na MTKR Jason Bradley sa Bataan.
Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na mahalagang development ito sa imbestigasyon sa mga kasong inihahanda laban sa mga dapat managot.
Una nang hinihinala ng DOJ na posibleng sangkot sa paihi o oil smuggling ang motor tanker na lumubog noong Hulyo.
Ayon kay Vasquez, “Malalaman na natin kung meron bang oil smuggling o paihi pero that’s just one aspect na mag-e-establish kung may criminal or administrative liability yung mga taong involve, yung ship owner, ship captain, crew, even government agencies, Phil. Coast Guard or Marina. We’re still closing the doors of possible filing cases against those responsible, on-going yan.”
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), agad na nagsagawa ng oil sampling ang mga kinatawan ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) sa motor tanker pagkatapos itong maiahon.
Ayon kay Vasquez, madidetermina na sa ngayon kung may markings ng BOC ang langis o kung smuggled ba ang langis na karga ng Jason Bradley.
Kaugnay nito, aatasan ng DOJ ang NBI at PCG na magsumite ng pinal na report sa langis na nakolekta.
Nilinaw ni Vasquez na isa lang ang oil smuggling sa mga anggulo na iniimbestigahan at maghahain sila ng kaso batay lang sa mga ebidensya.
Aniya, “Malalaman dyan kung yan ba ay oil na subject for smuggling kung walang marking. Sa batas lahat ng properly documented na nagbayad ng custom duties or tariffs na imported items like oil, may nilalagay na marker ang Bureau of Customs, kung wala yun, that’s an indication na pumasok yan improperly or unlawfully.”
Moira Encina-Cruz