DOJ hindi pabor sa panukala ng National Youth Commission na tanggalan ng scholarship ang mga estudyante ng mga State Universities na sumasali sa mga rally kontra gobyerno
Kontra si Justice Secretary Menardo Guevarra sa panukala ng pamunuan ng National Youth Commission na tanggalan ng scholarship ang mga estudyante ng state universities and colleges na sumasali sa mga protesta laban sa gobyerno.
Ayon kay Guevarra, masasagkaan ang right to freedom of speech and expression ng mga kabataan at mag-aaral kapag isinakatuparan ang panukala ni NYC Chairperson Ronald Cardema.
Sinabi ng kalihim na sa halip na puntiryahin ang mga militanteng estudyante ay dapat pa nga ay ipagmalaki ng NYC na socially aware ang mga kabataan at hindi lang kapakanan ng sarili ang iniisip kundi maging ang sa sambayanan.
Una nang hiniling ni Cardema kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ng Executive Order para kanselahin ang government scholarships ng anya’y mga rebeldeng estudyante.
Nanawagan din ang NYC chair sa mga youth leaders na iulat sa kanila ang mga anti-government students na kaalyado ng CPP-NPA.