DOJ, hiniling na sa SC na gawin sa hukuman sa Taguig City ang paglilitis sa mga naarestong Maute member

doj

Courtesy of Wikipedia.org

download
courtesy of Wikipedia.org

Pormal nang hiniling ng DOJ sa Korte Suprema na gawin sa hukuman sa Taguig City ang paglilitis sa mga naarestong miyembro ng Maute group na hinihinalang may kinalaman sa pag-atake sa Marawi City.

Sa dalawang pahinang sulat kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, binanggit ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang resulta ng ginawa nilang ocular inspection sa Camp Evangelista sa Cagayan De Oro City, at sa Hall of Justice ng Cagayan De Oro na una nang itinalaga ng Korte Suprema para pagsagawaan ng mga pagdinig na may kinalaman sa gulo sa Marawi.

Sinabi ng kalihim na nababahala ang mga myembro ng hudikatura at mga piskal sa kanilang kaligtasan kung itutuloy ang pagdaraos ng inquest at preliminary investigation sa Cagayan De Oro.

Wala rin anyang maayos na detention facilities ang Camp Evangelista.

Ayon pa kay Aguirre,  wala ring sapat na kasanayan ang AFP sa pangangasiwa ng bilangguan at wala rin itong pondo para sa pagkain ng mga bilanggo.

Nahaharap din anya sa panganib kahit ang mga police escorts ng mga suspek kasunod na rin ng nangyaring pananambang sa convoy ng mga pulis sa Lanao del Norte noong June 10, 2017.

Ihahatid sana ng mga pulis ang apat na suspek sa rebelyon patungo sa Cagayan de Oro nang mangyari ang pananambang na nagresulta sa pagkamatay ng apat na suspek.

Ang Cagayan de Oro Hall of Justice din aniya ay nasunog noong January 2015 at ang pansamantala nitong opisina ay inilipat sa City Tourism Hall.

Mahirap aniyang gawin sa City Tourism Hall ang preliminary investigation sa mga suspek dahil limitado ang espasyo at hindi rin sapat ang seguridad sa lugar.

Kaugnay nito, hiniling din ni Aguirre na italaga ng Korte Suprema ang Special Intensive Care Area o SICA sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para pagpiitan ng mga mahuhuling miyembro ng Maute.

Ulat ni: Moira Encina

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *