DOJ hiniling sa Davao RTC na pigilang makalabas ng bansa si Sen. Trillanes dahil sa kasong libelo laban dito
Naghain ng mosyon ang DOJ sa Davao City para hilingin sa hukuman doon na may hawak sa kasong libelo laban kay Senador Antonio Trillanes IV na pigilan itong makaalis ng bansa.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nakatakdang dinggin bukas, December 7 ng Davao RTC ang mosyon ng DOJ na mag-isyu ng Hold Departure Order (HDO) laban sa Senador.
Nilinaw ni Guevarra na ang paghahain ng prosekusyon ng mosyon para pagbawalang makalabas ng bansa si Trillanes ay walang kaugnayan sa naunang pasya ng Makati RTC na payagang makabiyahe sa Europa at Amerika si Trillanes.
Sinabi ng kalihim na standard operating procedure para sa prosekusyon na hilingin sa korte na pigilan ang kanilang isinasakdal na makaalis sa bansa para sa mas mabilis na pag- usad ng kaso.
Nakatakda ring dinggin bukas ng Makati RTC Branch 150 ang motion for reconsideration ng DOJ na bawiin ang pagpayag ng korte na makabiyahe abroad si Trillanes.
Iginiit ng DOJ na flight risk si Trillanes at may iba pang kinakaharap na ibang kaso sa ilang korte sa bansa.
Ulat ni Moira Encina