DOJ, hiniling sa Korte na ideklarang teroristang organisasyon ang CPP-NPA
Naghain ng petisyon sa Manila Regional trial court ang Department of Justice o DOJ para hilinging ideklara bilang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army o NPA.
Si Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong ang bumalangkas at naghain ng petisyon kasunod ng Proclamation No. 374 ni Pangulong Duterte na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang Terrorist organization.
Ayon kay Ong, nakasaad sa petisyon na sa kabila ng sinseridad at good faith ng pamahalaang Duterte na makipag-ayos sa CPP-NPA ay nagpatuloy pa rin ang pag-atake ng mga ito laban sa pwersa ng gobyerno.
Tinukoy sa petisyon ang 12 terror activities at atrocities ng CPP-NPA sa Negros Occidental at Oriental, Surigao, Misamis, Bukidnon, Cagayan de Oro City at Davao na nangyari sa termino ni Pangulong Duterte.
Sa ilalim ng Human Security Act, dapat dumaan sa hukuman ang pagkonsidera sa isang organisasyon bilang teroristang grupo para mabigyan ito ng pagkakataon na maidipensa ang kanilang panig.
Ulat ni Moira Encina
=================