DOJ hiniling sa PNP na itigil pansamantala ang pag-aresto sa mga nakalayang preso dahil sa GCTA
Ipinapahinto pansamantala ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) ang muling pag-aresto sa mga bilanggong maagang napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesperson Markk Perete, nabatid nila na may mga sumukong preso na hindi naman kasama sa 1,914 na nakalaya dahil sa expanded GCTA Law.
Dahil dito umabot aniya sa 1,950 ang bilang ng mga surrenderers na nasa kustodiya ng Bueau of Corrections (Bucor).
Sinabi ni Perete na aayusin muna nila ang listahan ng mga PDLs na pagbabatayan ng PNP tracker teams sa muling pagaresto sa mga bigong sumuko.
Paliwanag pa ni Perete gusto nilang maiwasan ang posibilidad na malagay sa panganib ang buhay ng mga hindi naman dapat arestuhin at maging ng mga tauhan ng PNP.
Ulat ni Moira Encina