DOJ hinimok na paimbestigahan sa AO35 Task Force ang pagpatay sa isang aktibista sa Iloilo City noong 2020
Dumulog sa DOJ ang pamilya at kaibigan ng Bayan Muna coordinator sa Iloilo City na si Jose Reynaldo “Jory” Porquia na pinaslang noong nakaraang taon.
Sa sulat ng anak ni Jory na si Lean Porquia kay Justice Secretary Menardo Guevarra, umapela ito na mapabilang sa kaso ng extra -judicial killings na sakop ng imbestigasyon ng Administrative Order 35 Task Force ang pagpatay sa kanyang tatay.
Aniya halos isang taon mula nang paslangin ang kanyang ama na isang beteranong aktibista pero tila hindi umuusad ang imbestigasyon ng PNP sa Iloilo City.
Mistulang hindi interesado aniya ang pulisya na resolbahin ang kaso at papanagutin ang mga salarin.
Sinabi pa ng batang Porquia na ilang araw bago ang pagpatay sa kanyang tatay ay nagpahayag ang lokal na pulisya sa Iloilo City na isinasailalim nila ito sa surveillance.
Ayon pa kay Lean, nagkalat din ang pangalan at larawan ng kanyang ama sa Iloilo na nagsasabing NPA recruiter ito ilang linggo bago ang pamamaslang.
Si Jory Porquia ay naging consultant din ng National Poverty Commission Region VI nang mahalal si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Moira Encina