DOJ, ibinasura ang reklamo vs Sen. Pimentel sa sinasabing paglabag sa quarantine protocols
Inabswelto ng Department of Justice (DOJ) si Senador Koko Pimentel sa reklamong paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of the Public Health Concern dahil sa kawalan ng probable cause.
Ang reklamo laban kay Pimentel ay inihain ng abogadong si Rico Quicho dahil sa sinasabing paglabag nito sa quarantine protocols nang pumunta ito sa Makati Medical Center para samahan ang buntis na asawa sa kabila ng pagiging close contact nito sa COVID positive at naghihintay ng resulta ng kanyang COVID test.
Kalaunan, si Pimentel ay nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa Office of the Prosecutor General, isa sa mga batayan sa pagbasura ng reklamo ay dahil sa hindi isang public health authority o mula sa DOH, RITM, Epidemiology Bureau si Pimentel kaya hindi siya obligado mag-ulat sa ilalim ng RA 11332.
Paliwanag pa ng piskalya, ang nasabing batas sa mandatory reporting ay para sa mga public health authorities.
Kung obligado man anila na sabihin ni Pimentel ang kanyang medikal na kondisyon bilang pribadong indibidwal ay wala siyang iuulat nang pumunta ito sa isang supermarket sa BGC noong March 16, 2020 at Makati Med noong March 24, 2020.
Nalaman na lang anila ng senador na nagpositibo ito sa virus sa parehong araw noong Marso 24 nang nasa loob na ito ng ospital.
Ipinunto pa sa resolusyon na depektibo ang reklamo dahil ang complainant na si Quicho ay ang hindi akmang partido para maghain ng nasabing reklamo.
Pawang hearsay lang din daw ang mga ebidensya ni Quicho dahil ito ay batay lamang sa mga news report kaya hindi pwedeng gamitin na pruweba sa alegasyon.
Moira Encina