DOJ ibinasura ang reklamong libelo na inihain ni dating Health Secretary Janette Garin laban kay dating Health Secretary Paulyn Ubial

 

Ibinasura ng DOJ ang reklamong libelo na isinampa ni dating Health Secretary Janette Garin laban sa pumalit sa kanya na si dating Health Secretary Paulyn Ubial at tatlong iba pang health officials dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Ang kaso laban kina Ubial ay nag-ugat sa umanoy mga malisyosong pahayag ng mga ito laban kina Garin partikular sa isyu ng katiwalian sa pagbili ng Dengvaxia at Mafia sa loob ng DOH.

Ang ibang respondents ay sina dating Health Undersecretary Dr. Teodoro Herbosa, health  reform advocate Dr Anthony Leachon at consultant ni Ubial na si Dr Francisco Cruz.

Bukod sa reklamo ni Garin, ibinasura rin ng DOJ ang libel o cyber libel na inihain nina Philippine Children’s Medical Center Executive Director Dr Julius Lecciones, DOH Undersecretary Dr Lyndon Lee Suy, asawa ni Garin na si Congressman Oscar Garin Jr at dalawang iba pa laban kina Ubial.

Sa 10- pahinang Joint Resolution ng DOJ na pirmado ni Senior Assistant State Prosecutor Lilian Doris Alejo, sinabi na hindi nila nakitaan ng malisya ang mga pahayag na binitiwan nina Ubial  laban kina Garin at iba pang complainant kaugnay sa Dengvaxia mess.

Ayon pa sa resolusyon, nasabi lang nina Ubial at ng iba pang respondents ang mga pahayag laban kina Garin at iba pang complainant bunsod ng kanilang diwa ng hustisya.

Paliwanag pa ng DOJ, bigo ang mga complainant na tukuyin ang ispesipikong na libelous statement laban sa kanila.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *