DOJ idinepensa ang hiling sa korte na buksan muli ang paglilitis sa drug case vs. de Lima
Idinipensa ni Justice Secretary Crispin Remulla ang hakbang ng prosekusyon na ipabukas muli ang paglilitis sa isa sa mga drug case laban kay dating Justice Secretary Leila de Lima upang makapag-prisinta ng bagong testigo at ebidensya.
Paliwanag ni Remulla, nang tapusin ng hukom ng korte sa Muntinlupa City ang isa sa mga kaso ng iligal na droga laban kay De Lima ay katatapos lang ng retraction o ang pagbawi ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Rafael Ragos ng kaniyang testimonya.
Dahil dito, entitled o may karapatan dapat aniya ang prosekusyon na mag-prisinta ng rebuttal evidence para ito kontrahin.
Ayon pa sa kalihim, hanggang sa wala pang desisyon sa kaso ay maituturing na “good motion” ang nasabing hirit ng DOJ panel of prosecutors.
Una rito ay naghain ng urgent motion for reconsideration ang prosekusyon sa Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204 para bigyan ito ng oportunidad na makapagprisinta ng rebuttal evidence at testigo mula sa Public Attorney’s Office.
Moira Encina