DOJ idinipensa ang paglipat sa ilang Bilibid inmates na drug case witnesses sa Sablayan Prison and Penal Farm
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inilipat sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ang 10 inmates na mga testigo sa Bilibid illegal drug trading case.
Pero hindi pa matukoy ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano kung anong dahilan ng pagtransfer sa PDL- witnesses dahil hinihintay pa niya ang opisyal na report ng Bureau of Corrections (BuCor) at ito ay confidential.
Nagpunta sa DOJ ang mga asawa ng ilang PDLs para idulog ang paglipat sa kanilang mister nang walang abiso sa kanila.
Hinarap ni Clavano ang mga misis at ipinaliwanag ang sitwasyon.
Siniguro ng opisyal sa mga asawa ng PDLs na nasa mabuting kalagayan ang kanilang mister.
Depensa pa ng DOJ, pinag-iiisipan at hindi basta-basta ang jail transfer.
“Siguro po ay hindi pa muna nilalabas ang rason dahil confidential pa po. Ang ating director general na si Director General Catapang ay napakabait na tao and siguro na-trauma lang po yung mga asawa ng mga PDL dahil iba po yung pamamaraan dati, dati pa. So I made sure to assure them na ito pong administration na ito ay iba at mas reformational na po ang philosophy natin dito. Hindi na po punitive no, kagaya ng mindset natin dati” pahayag ni Spokesperson Asec Mico Clavano.
Moira Encina