DOJ iimbestigahan ang mga Piskal na idinadawit sa gold jewelry smuggling
Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Department of Justice o DOJ sa apat na piskal na nakakaladkad sa isyu ng gold jewelry smuggling sa NAIA.
Ang mga ito ay sina Prosecutor Samina Sampaco Macabando-Usman, Pasay City Prosecutor Benjamin Lanto, Inquest Prosecutor Clemente Villanueva, at Assistant Prosecutor Florenzo dela Cruz.
Pinangalan ni Pangulong Duterte ang nasabing mga public prosecutors na kanyang pinaiimbestigahan dahil sa posibleng pagkakasangkot sa katiwalian.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang DOJ-Internal Affairs Unit ang magiimbestiga sa mga nasabing piskal.
Itutuon aniya ng hiwalay na imbestigasyon ng DOJ ang mga kasong administratibo na posibleng kaharapin ng mga piskal.
Ayon sa Presidential Anti-Corruption Commission, pinakawalan ng mga nasabing piskal at iniutos na isailalim sa full blown preliminary investigation sina Abraham Mimbalawag at Bang-sa Mimbalawag at NAIA Customs Operations Officer Lomontod Macabando na idinadawit sa sindikato ng gold jewelry smuggling.
Ulat ni Moira Encina