DOJ inatasan ang NBI na imbestigahan ang sinasabing hoarding ng medical oxygen tanks at iba pang medical supplies
Iimbestigahan ng NBI ang napaulat na hoarding ng mga medical oxygen tanks at iba pang medical supplies sa Cebu.
Sa department order na pirmado ni Justice Sec. Menardo Guevarra, ipinagutos din ng kalihim sa NBI na maghain ng mga kaukulang reklamo sa mga taong sangkot at responsable sa sinasabing hoarding kung may makalap na sapat na ebidensya.
Kabilang sa pinaiimbestigahan sa NBI ang hoarding sa iba pang lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 o kaya ay sa mga lugar na inaasahang dadami ang kaso ng sakit bunsod na rin ng banta ng Delta variant.
Una rito ay nanawagan si Cebu City Vice Mayor Michael Rama sa PNP at DTI na siyasatin ang sinasabing hoarding ng oxygen tanks.
Naglabas na rin ng direktiba si Cebu Governor Gwendolyn Garcia na nagreregulate sa bentahan ng medical oxygen tanks sa probinsya para maiwasan ang hoarding.
Moira Encina