DOJ inatasan ang NBI na magsagawa rin ng DNA examination sa mga labi ni Reynaldo de Guzman alyas Kulot
Aatasan ng DOJ ang NBI na magsagawa rin ng DNA examination sa mga labi na pinaniniwalaang sa labing-apat na taong gulang na si Reynaldo de Guzman alyas Kulot.
Ito ay matapos lumabas sa resulta ng DNA testing ng PNP crime lab na hindi kay Kulot ang bangkay na natagpuan sa Gapan, Nueva Ecija nang hindi ito tumugma sa DNA ng mga magulang ni Kulot na sina Eduardo at Lina Gabriel.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, kung magtugma ang resulta ng DNA exam ng NBI sa naging pagsusuri ng PNP, hindi ibig sabihin na hindi na nga si Kulot ang natagpuang bangkay.
May mga pagkakataon aniya nadi-discredit ang integridad ng resulta ng DNA test lalo na’t kung tainted na ang specimen at mali ang proseso ng pagsusuri.
Paliwanag pa ng kalihim, dapat ding bigyang bigat ang positibong pagkilala ng mga magulang ng bata na sa bangkay dahil di pa naman ito bloated at decomposed nang ito ay matagpuan.
Ulat ni: Moira Encina