DOJ inatasan ang NBI na palawigin ang imbestigasyon nito sa ‘pastillas scam’ sa Bureau of Immigration
Palalawakin ng NBI ang sakop ng imbestigasyon nito sa ‘Pastillas scheme’ sa Bureau of Immigration o BI.
Ito ay matapos ang pahayag ni Senator Risa Hontiveros na may bagong bersyon at nag-mutate na ang pastillas scam sa BI.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inatasan na niya ang NBI na palawigin ang imbestigasyon sa mga fixers activities sa loob ng BI.
Kabilang na rito ang pagtukoy sa mga kasabwat na BI personnel ng mga fixers para masampahan ang mga ito ng kaukulang reklamong kriminal at administratibo.
Umaabot na sa mahigit 80 opisyal at tauhan ng BI ang una nang ipinagharap ng reklamo ng NBI sa Office of the Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa modus na nasiwalat noong 2020.
Sa isang statement, nanawagan si Hontiveros sa NBI na alamin ang travel agency na dawit sa sinasabing bagong pastillas scam na nagpapahintulot sa iligal na pagpasok sa bansa ng mga Chinese nationals kapalit ng bayad.
Nag-ugat ito sa entrapment operation ng NBI sa loob ng tanggapan ng BI kung saan nahuli ang isang law firm employee na tumatanggap ng Php 900,000 na salapi para iproseso ang pagpasok sa bansa ng ilang Chinese na sinasabing kliyente ng travel agency.
Moira Encina