DOJ inendorso sa Makati City Prosecutor’s Office ang reklamong inihain ng NBI kaugnay sa pagkamatay ni Christine Dacera
Ang Makati City Prosecutor’s Office na ang hahawak sa reklamong inihain ng NBI kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ito ay matapos ilipat at iendorso ni Prosecutor General Benedicto Malcontento sa piskalya ng Makati City ang mga reklamong inihain ng NBI.
Ayon kay Malcontento, hindi isasama ang nasabing reklamo ng NBI sa naunang kaso na inihain ng PNP sa Makati Prosecutor’s Office laban sa mga suspek sa pagkamatay ni Dacera.
Anya hiwalay ang magiging pagdinig sa reklamo ng NBI.
Noong nakaraang Biyernes, March 12 sinampahan ng NBI sa DOJ ng reklamo ang 11 indibidwal kaugnay sa pagpanaw ng flight attendant.
Mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, obstruction of justice, perjury, at mga paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs law ang isinampa laban sa mga suspek.
Ipinagharap din ng reklamong Falsification of an Official Document si Southern Police District Medico Legal Officer Police Major Michael Nick Sarmiento.
Si Dacera ay natagpuang walang malay sa bathtub ng isang hotel room sa Makati noong Bagong Taon.
Batay sa toxicology examination ng NBI, may nakita itong presensya ng prescription drug para sa hypertension sa katawan ni Dacera.
Kinumpirma rin ng NBI ang naunang report ng PNP Crime Lab na aneurysm ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera.
Moira Encina