DOJ iniimbestigahan ang posibleng sabwatan sa paglabas ng isang high-profile detainee sa NBI detention center
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang high-profile detainee matapos itong makalabas sa NBI detention center.
Kinilala ang detainee na si Jad Dera na akusado sa illegal drug cases.
“We received confidential information about Jad Deras’ whereabouts and this prompted us to inform NBI that he was not in his detention center, and that prompted NBI to create a task force at inabangan dun sa mismong gate ng NBI,” pahayag ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano.
Nahuli rin nitong Miyerkulas ng madaling araw na kasama ni Dera ang anim na security officers ng NBI na escort nito.
Nakumpiska rin mula kina Dera ang ilang armas, cellphones, salapi at ilan pang personal belongings.
Sinabi ni Clavano na iniimbestigahan na ang insidente.
Kumbinsido ang opisyal na hindi ito ang unang beses na nakaalis ng piitan si Dera at maging ang ibang detainees kaya sinisilip na rin ang posibleng sabwatan nito sa mga opisyal mula sa NBI.
“All I can say about the issue at hand is that people in detention had the capacity to move in and out of detention center especially high profile one. We can assume that there is connivance with certain members of NBI security officers. It involves some monetary consideration for them to have that privilege,” dagdag pa ni Clavano.
Tiniyak ng DOJ na may mananagot sa paglalabas-masok ng NBI detainees.
Maaari lang aniya na makalabas ang isang nakapiit kung may court order o may pagdinig sa piskalya.
Wala namang impormasyon ang DOJ sa ngayon ukol sa ulat na nagsasabing bagman ni Congressman Arnolfo Teves Jr. si Dera.
“All the disciplinary action, all the necessary criminal cases will be filed against those who were caught last night,” diin pa ng DOJ official.
Moira Encina