DOJ inirekomenda na tawagin na Sea of Asia ang West Philippine Sea o South China Sea; environmental crimes case laban sa Tsina, target maisampa sa Marso 2024
Iminungkahi ni Justice Secretary Crispin Remulla na gamitin ang terminong “Sea of Asia” sa pagtukoy sa West Philippine Sea o South China Sea.
Ito ay kaugnay sa isasampang reklamo ng environmental crimes gobyerno ng Pilipinas laban sa Tsina.
Ayon kay Remulla, iisang body of water lang ang tinutukoy na West Philippine Sea at South China Sea.
Mas inclusive aniya ang nasabing termino at apektado ang buong mundo sa pagkasira ng kalikasan doon.
“Yan po mahalaga mag-file tayo ng kaso sa isang international tribunal about the environmental damage being cause by china and we’re talking about what people would call the West Philippine Sea the South China Sea or maybe as a general term let’s call it Sea of Asia para di natin ilagay sa pag-aari ng bawat bansa kundi sa pag-aari ng buong humanity.” pahayag ni DOJ Secretary Crispin Remulla
Sa hiwalay na statement, nilinaw ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na hindi na ibig sabihin ng mungkahi na Sea of Asia na pinahihina ng Pilipinas ang territorial claim nito sa lugar.
“The suggestion to use the term “Sea of Asia” for what is the West Philippine Sea is a strategy aimed at making the forthcoming case relevant to the international community. This is in no way an indication of the Philippines diluting or weakening its territorial claims or stance. The suggestion is confined only to this case.” paliwanag ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano
Layon aniya nito na mahimok ang international community laban sa paglapastangan ng China sa kalikasan na mapapakinabangan sana ng buong mundo.
“By adopting this term for this specific case, we aim to rally the international community against harmful environmental actions, emphasizing that no matter who claims ownership, the responsibility to protect and preserve it is a shared one.” dugtong pa ni Clavano
Ayon pa kay Clavano, ang Sea of Asia ay gagamitin lang para sa environmental crimes case at walang kaugnayan sa isyu ng territorial dispute sa lugar.
Samantala, sinabi ni Remulla na marami nang hawak na mga ebidensya ang Pilipinas sa pagwasak ng Tsina sa mga likas na yaman sa West Philippine Sea.
Patuloy din aniyang kumakalap ng mga ebidensya ang Philippine Coast Guard at iba pang mga eksperto para sa ihahaing kaso laban sa Tsina.
Plano aniya nilang isampa ang kaso laban sa China sa Marso ng susunod na taon.
Kasama sa kaso ang pagtatayo ng China ng mga artificial na isla sa pinag-aagawang teritoryo.
Moira Encina