DOJ ipauubaya muna sa pulisya ang pag-iimbestiga sa pagpatay sa isang abogado at asawa nito sa Davao City
Hindi muna papasok sa ngayon ang NBI o kaya ay ang AO 35 Task Force sa imbestigasyon sa pagpaslang sa isang abogado at asawa nito sa Davao City.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hahayaan muna nila na ang mga pulis ang mag-imbestiga sa pagpatay kay Atty. Sitti Gilda Mahinay-Sapie at mister nito na si Muhaimin Mohammad.
Gayunman, nakaantabay aniya ang NBI para magbigay ng tulong sa pulisya kung kinakailangan.
Ayon pa sa kalihim, kapag mabatid na may koneksyon sa adbokasiya o may bahid ng politika ang pagpatay sa mga biktima ay iimbestigahan ito ng AO 35 Task Force.
May libreng legal advice program online at sa isang radio station ang mag-asawa.
Binaril ang dalawa sa labas ng kanilang bahay noong hapon ng July 14 sa Davao City ng hindi pa kilalang mga salarin.
Batay sa mga otoridad, posibleng sniper ang bumaril sa mga biktima dahil walang nakitang armadong suspek sa subdivision.
Moira Encina