DOJ irirekomenda sa korte na manatili sa Camp Crame si Apollo Quiboloy
Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) na iparekomenda sa korte sa mga piskal na may hawak sa mga kaso laban kay Apollo Quiboloy, na manatili ito sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ayon kay Prosecutor General OIC Richard Anthony Fadullon, mas magiging madali ang pagdala kay Quiboloy sa mga korte na nasa magkaibang hurisdiksyon kung sa Camp Crame ito nakapiit.
Prosecutor General OIC Richard Anthony Fadullon
Sinabi ni Fadullon, “We are beginning discussions with our prosecutors to suggest to recommend that in the court para hindi mahirapan, kasi it would be more difficult for BJMP in QC to be transfering him to Pasig everytime there’s a court hearing.”
Una nang iniutos ng korte sa Quezon City na may hawak sa kasong child abuse laban kay Quiboloy, na ikulong ito sa Quezon City Jail habang ipinag-utos naman ng korte sa Pasig City na may hawak sa human trafficking case na manatili sa Kampo Crame si Quiboloy.
Ayon pa kay Fadullon, “There are several cases in different jurisdctions, usually nagre-request yung prosecutor that they may be allowed to have the accused in a facility let say for example Camp Crame where they can make sure his attendance in all jurisdictions.”
KOJC leader Apollo Quiboloy
Ipinauubaya naman ni Justice Secretary Crispin Remulla sa korte ang isyu ng house arrest na hirit ng kampo ni Quiboloy.
Pero duda si Remulla na mapagbibigyan ito ng hukuman dahil hindi kaagad sumuko si Quiboloy at pinahirapan ang mga awtoridad sa pagtunton sa KOJC leader.
Sinabi ni Remulla, “Thats under the court’s jursidiction, discretion. But as far as I remember, yung mga binibigyan ng house arrest yung mga hindi nag-resist o kaya pumayag kaagad na maaesto. Yung mga nagtatago at nagpahirap sa gobyerno, madalang tayo magbigay ng house arrest sa mga taong ito.”
Justice Secretary Crispin Remulla
Naniniwala pa si Remulla na tama lang na ipakita nang walang blur ang mga mugshot at pagdakip kina Quiboloy para makumpirma kung ang mga ito talaga ang naaresto.
Aniya, “Nilagay mo nga sa wanted poster, hindi mo naman ilalabas na talagang nahuli mo eh papapakita yung mukha, dapat ipinakita yung mukha so people would believe na nahuli mo talaga, fair is fair, dapat nakita ng tao, satisfied ang tao na sya talaga yung under custody.”
Kinontra rin ng kalihim ang mga pahayag ng mga taga-suporta ng KOJC na may sabwatan o pinagtulungan si Quiboloy dahil mabigat na mga kaso ang human trafficking at child abuse.
Ayon sa kalihim, “These are clear violation of law so I don’t think there’s conspiracy of some sort to make him a victim, let him face the music that’s only what were asking him to do.”
Samantala, ililipat sa DOJ main office mula sa Davao Prosecutors Office, ang reklamong unjust vexation na inihain ni dating Pangulong Duterte laban kay Interior Secretary Benhur Abalos at mga pulis na kasama sa nagsilbi ng arrest order laban kay Quiboloy.
Moira Encina-Cruz