DOJ isasapubliko ang detalye ng 52 drug war cases na nirebyu nito
Ilalabas sa Miyerkules ng DOJ ang detalye ng 52 kaso ng anti-illegal drugs operations ng PNP kung saan may namatay na suspek.
Sa statement ng DOJ, sinabi na inotorisa nito ang paglalabas ng detalye ng mga kaso ng tinaguriang war on drugs bilang bahagi ng transparency.
Kabilang sa mga impormasyon na isasapubliko ng DOJ ay ang docket numbers ng mga kaso, mga pangalan ng mga namatay na suspek, lugar at petsa ng insidente, at ang summary ng mga obserbasyon ng DOJ Review Panel.
Layunin nito na maipabatid sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga namatay na suspek na dinidetermina ang posibleng kriminal na pananagutan ng mga sangkot na pulis.
Gayundin, ito ay para imbitahin ang sinumang testigo o mga taong may first- hand information na makatutulong sa resolusyon ng mga kaso na lumantad at lumapit sa NBI para magbigay ng pahayag kung mayroon.
Una nang nirebyu ng DOJ ang nasabing 52 kaso mula sa PNP at inotorisa ang NBI na magsagawa ng case build-up laban sa mga mapapatunayang may paglabag.
Moira Encina