DOJ isusumite na sa linggong ito kay PRRD ang rebyu nito sa 52 kuwestyonableng anti-drugs operations ng pulisya
Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nakatakdang isumite ng DOJ kay Pangulong Rodrigo Duterte sa linggong ito ang findings ng kagawaran ukol sa 52 anti-illegal drugs operations ng PNP na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Ayon sa kalihim, kabilang sa kanilang report ang mga rekomendasyon ng DOJ sa presidente.
Ang pahayag ni Guevarra ay bilang tugon sa International Criminal Court (ICC) registry report na nagsasabing 94% ng mga biktima ng drug war ng pamahalaang Duterte ay nais imbestigahan ng ICC ang sinasabing crimes against humanity ng kampanya kontra iligal na droga.
Una nang pumirma ng kasunduan ang PNP at DOJ para masilip ng kagawaran ang case records ng pulisya sa drug operations.
Ang 52 kaso ay una nang inimbestigahan ng Internal Affairs Service ng PNP.
Nakitaan ng PNP-IAS ng administratibong pananagutan ang daan-daang pulis na sangkot dahil sa sinasabing misconduct sa panahon ng operasyon kontra iligal na droga.
Moira Encina