DOJ itinaas ang pamantayan sa mga kasong puwedeng isampa sa korte
Ipinagutos ng Deparment of Justice (DOJ) sa mga piskal na itaas ang burden of proof o ang antas ng mga ebidensya sa mga kaso na iniaakyat sa mga korte.
Sa department circular na inilabas ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi na ang pamantayan na ng mga piskal sa mga isinasampang kaso sa mga hukuman ay ang “reasonable certainty of conviction” mula sa dating “probable cause” lamang.
Sinabi sa sirkular na ang isang kaso ay maikukonsidera na may reasonable certainty of conviction kung ito ay may prima facie evidence na sapat para mapatunayan ang lahat ng elemento ng krimen at makakuha ng conviction beyond reasonable doubt.
Sakop ng kautusan ang mga kasong kriminal na nakabinbin sa municipal trial courts, municipal trial courts in cities, at metropolitan trial courtsm
Nilinaw ng DOJ na hindi aplikable ang panuntunan sa mga kaso sa regional trial courts at appellate courts.
Kaugnay nito, iniutos din sa trial prosecutors na magsagawa ng imbentaryo sa lahat ng mga kaso na sakop ng guidelines at suriin kung ang mga ebidensya ay sapat para matugunan ang nasabing antas ng reasonable certainty of conviction.
Sa oras na madetermina ng piskal na kulang ang mga ebidensya sa kaso para maabot ang pamantayan ay maghahain ito ng mosyon sa korte para iurong o ibasura ang kaso.
Sinabi ni Remulla na layon nito na tanging ang malalakas na kaso lang ang ihahain sa mga hukuman at matugunan din ang siksikan sa mga kulungan.
Ayon pa sa kalihim, bunsod ng mababang burden of proof ay dinadagsa ang mga korte ng mga mahihinang kaso na ang mga mahihirap ang nabibiktima at basta-basta nakukulong.
Moira Encina