DOJ itinuloy ang pagdinig sa mga kasong isinampa ng PAO kaugnay sa Dengvaxia mess
Itinuloy ng DOJ panel of prosecutors ang pagdinig sa mga reklamong kriminal na inihain ng PAO at ilang pamilya ng mga batang namatay matapos maturukan ng anti dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa pagdinig, isinumite ng PAO sa DOJ panel ang joint reply affidavit ng siyam na pamilya ng mga batang biktima.
Pinanindiganan ng mga complainant ang mga kasong isinampa nila laban sa mga respondents.
Kabilang na rito ang paglabag sa Anti-Torture Act.
Ayon pa kay PAO Chief Persida Acosta, may paglabag din sa Consumer Protection Act ang nagpaturok ng bakuna dahil sa nasa experimental phase pa lang ang Dengvaxia nang simulan itong ipaturok ng DOH sa mga bata.
Ito ay batay na rin anya sa mga dokumento ng World Health Organization.
Sinabi pa ni Acosta na sa kasalukuyan ay nasa monitoring and surveillance phase pa lang ang Dengvaxia.
Itinakda naman sa August 30 ang susunod na hearing para sa paghahain ng rejoinder affidavit ng mga respondents.
Binigyan naman ng panel ang kampo ng tatlong dayuhang opisyal ng Sanofi Pasteur na makapaghain ng kanilang kontra-salaysay hanggang August 30.
Samantala, nakatakdang ihain din ng PAO ang pang labingdalawang dengvaxia case sa DOJ.
Ayon kay Acosta, masusundan pa ito ng animnaput isa pang kaso.
Ulat ni Moira Encina