DOJ, itinuloy ang pagdinig sa reklamo laban kina dating Pangulong Aquino kaugnay sa Dengvaxia controversy
Ipinagpatuloy ng DOJ ang pagdinig sa reklamong kriminal laban kina dating Pangulong Aquino at mga gabinete nito kaugnay sa kontrobersyal na anti-dengue vaccination program ng administrasyon nito gamit ang Dengvaxia.
Sa preliminary investigation, nagsumite ang mga complainant na VACC at Vanguard of the Philippine Constitution ng kanilang reply affidavit at pinanumpaan ito sa DOJ panel of prosecutors.
Hiniling nila na sampahan sa korte ng DOJ ang mga respondents ng kasong negligence and reckless imprudence, technical malversation, causing undue injuries, at mga paglabag sa Procurement Law.
Samantala, hiniling ni panel chair Senior Assistant State Prosecutor Rossane Balauag sa abogado ng mga DOH officials na respondents sa kaso na magbigay ang mga ito sa DOJ ng sample vial ng Dengvaxia vaccine kahit gamit o used portion na dahil mahalaga ito sa kanilang imbestigasyon.
Inihayag naman ni Presidential Anti Corruption Commission commissioner Atty Manuelito Luna na maghahain siya ng motion to withdraw para umatras bilang private complainant sa kaso.
Binigyan naman ng panel hanggang sa June 28 ang apat na Sanofi officials na magsumite ng kanilang kontra- salaysay.
Bigong sumipot sa pagdinig ang testigo ng VACC at Vanguard na si Dr Clarito Cairo ng DOH para sana panumpaan sa panel ang salaysay nito
Kaugnay nito hiniling ng DOJ sa kampo ng complainant na bigyan sila ng certified true copy o kaya naman ng orihinal na affidavit ni Cairo.
Nais naman ng mga abogado ng mga respondents na ibasura ng DOJ ang affidavit ni Cairo dahil sa kabiguang sumipot at duda rin sila kong handa itong humarap bilang testigo ng mga complainant.
Itinakda ng DOJ ang susunod na hearing at paghahain ng rejoinder affidavit ng mga respondents sa July 20.
Pero maaring maghain ng mas maaga ang mga respondents ng kanilang rejoinder pero ito ay dapat na personal nilang panumpaan sa mga miyembro ng panel.
Hindi na sumipot sa pagdinig sina Aquino, dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Butch Abad at ang iba pang respondents na una nang naghain ng kanilang counter-affidavit.
Ulat ni Moira Encina