DOJ kakasuhan ang Nigerian at Pinay na bumili sa sanggol na ibinenta ng ina dahil sa utang sa e-sabong
Inirekomenda na ng DOJ ang pagsasampa ng kaso sa korte laban sa mga indibiduwal na bumili sa walong buwan na gulang na sanggol na babae na ibinenta ng sariling ina dahil sa utang sa online sabong.
Una nang naaresto ng mga tauhan ng NBI Anti-Human Trafficking Division sa operasyon ang Nigerian na si Ifeanyi Okoro alyas Maxwell Bright at Pilipinang live-in partner na si Imelda Malibiran sa Santa Cruz, Laguna.
Ayon sa Office of the Prosecutor General, kakasuhan sa kinauukulang regional trial courts sina Okoro at Malibiran ng mga kasong child trafficking at kidnapping and failure to return a minor.
Batay sa nakalap na ebidensya ng NBI, ibinenta ng nanay si tinawag na “Miracle Baby” noong March 3 sa taong nakilala nito sa Facebook.
Nangyari ang transakyon sa Quezon City kung saan tinanggap ng ina ang bayad na P45,000 kapalit ng anak nito.
Nagbago ang isip ng nanay ng sanggol pero nang subukan niyang kunin muli ang anak ay naka-blocked na siya sa FB ng buyer.
Humingi ng tulong sa otoridad ang tatay ng bata para ma-backtrack ang insidente sa pamamagitan ng mga kuha sa CCTV.
Natunton at nasagip naman ng NBI ang sanggol habang lulan ng SUV sa Sta Cruz, Laguna noong March 22 kasama ang mga suspek na Nigerian at Pinay.
Itinakda ng DOJ sa April 11 at 18 ang preliminary investigation sa mga reklamo laban sa nanay ng sanggol at sa babaeng umaktong middleman sa transaksyon.
Ayon sa DOJ, isasalang sa pagdinig ang reklamo laban sa nanay at middleman dahil hindi sila kasama sa mga naaresto para mabigyan ng due process.
Moira Encina