DOJ kinakausap na ang money services firms kaugnay sa online child exploitation
Nakikipag-dayalogo na ang Department of Justice (DOJ) sa money service businesses (MSBs) para iulat ang mga transaksyon na hinihinalang kaugnay sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na may pagkakataon na hindi na sakop ng covered transactions ng Anti- Money Laundering Council (AMLC) ang mga bentahan o subscription sa online sexual or exploitation materials.
Ayon kay Clavano, nabatid nila na maaaring magkaroon na ng access sa child exploitation materials sa halagang P50 kaya hindi na ito dumadaan sa mga bangko kundi sa MSBs.
Nais ng DOJ na kahit hindi covered institutions ng AMLC ang money service firms ay ireport pa rin ng mga ito sa mga otoridad ang mga posibleng kaso ng OSAEC at CSAEM para mabatid ang trends at hotspots ng krimen.
Inihayag naman ni Social Welfare and Development Undersecretary Emmeline Aglipay- Villar na isa sa mga posibleng indikasyon na may OSAEC cases sa isang lugar ay ang biglang pagsulputan ng money service firms.
Sinabi pa ni Villar na nakikipag-tulungan na ang MSBs sa mga otoridad para ialerto sa mga kahina-hinalang aktibidad.
Moira Encina