DOJ kinontra ang obserbasyon ng mga grupo ng foreign journalists kaugnay sa kalagayan ng press freedom sa bansa
Kinontra ng Department of Justice (DOJ) ang konklusyon ng mga grupo ng foreign journalist kaugnay sa kalagayan ng mga mamamahayag sa bansa.
Dumating sa bansa kamakailan ang New York-based na Committee to Protect Journalists o CPJ at Australia-based na Alliance for Journalists’ Freedom o AJF para siyasatin ang anila’y nakaka-alarmang sitwasyon ng pang-aapi, pananakot at pagbabanta sa mga Filipino journalists sa ilalim ng pamahalaang Duterte.
Inihalimbawa ng CPJ at AJF ang mga kaso laban sa online news website na Rappler at sa CEO nito na si Maria Ressa at ang kawalang aksyon ng gobyerno para protektahan ang mga mamamayahag.
Una nang nakipagpulong ang CPJ at AJF sa mga opisyal ng Presidential Task Force on Media Security at DOJ ukol sa sitwasyon ng media sa bansa at mga kaso laban sa Rappler na pinaniniwalaan nilang politically-motivated.
Ipinaabot nila sa mga opisyal ng pamahalaan ang pangamba nila sa kalagayan ng press freedom at ang epekto nito sa demokrasya ng bansa.
Tinutulan naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang obserbasyon ng mga foreign media groups na tumataas ang intimidasyon at nawawala ang free press sa bansa.
“Contrary to the opinion of the visiting foreign journalists, I believe that the Philippine press is the freest in the region. Anyone can criticize or say anything against the government without fear of retaliation.” “Maria Ressa’s case is not reflective of the overall situation. Her cases arose from a violation of our Securities Code, which led to other cases such as tax evasion and anti-dummy charges. Her cyber libel case was initiated by a private individual, not by the government.”
Naniniwala si Guevarra na ang Philippine media ang isa sa pinakamalaya sa rehiyon dahil kahit sinuman ay maaring batikusin ang gobyerno nang walang takot ng retaliyasyon.
Ipinunto pa ng kalihim na iba ang kaso ni Ressa at hindi ito sumasalamin sa kabuuang kalagayan ng media sa bansa.
Ang mga kaso anya laban sa Rappler at kay Ressa ay bunsod ng mga paglabag nito sa Securities Code, anti- dummy law at hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Ang kasong cyberlibel din anya laban kay Ressa ay isinampa ng isang pribadong indibidwal.
Binatikos din ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director at Undersecretary Jose Joel Sy Egco sa Facebook post nito ang hindi patas na paglalarawan ng CPJ ng kalagayan ng press freedom sa bansa
Kumbinsido si Egco na ang tunay na layunin ng CPJ sa pagpunta sa Pilipinas ay palabasin na malala ang sitwasyon ng media sa bansa batay sa karanasan ng ilan anyang privileged at entitled na mga journalist na hindi naman kumakatawan sa buong kalagayan ng mamamahayag sa bansa.
Ulat ni Moira Encina