DOJ kinontra ang panukalang ‘no bakuna, no ayuda’ ng DILG
Hindi maaaring gawing batayan para huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ang hindi pagpapabakuna ng mga ito laban sa COVID-19.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng panukala ng DILG na ‘no bakuna, no ayuda’ policy para sa mga hindi bakunadong benepisyaryo ng 4Ps.
Paliwanag ng kalihim, ang mga pamilya na naging kuwalipikado na sa ilalim ng 4Ps law ay legally entitled na tumanggap ng conditional cash transfer benefits basta ang mga ito ay nakatugon sa lahat ng kondisyon na nakasaad sa batas.
Ayon pa kay Guevarra, ang nasabing cash transfer ay transaksyon sa pagitan ng gobyerno o DSWD at ng qualified na benepisyaryong pamilya.
Ipinunto pa ng kalihim na alinsunod sa COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, hindi puwedeng gawing karagdagang mandatory requirement ang vaccination cards para sa mga transaksyon sa pamahalaan.
Tiwala si Guevarra na hindi aaabot sa punto na aalisan ng benepisyo ang mga 4Ps lalo na’t ang mga ito ang pinaka marginalized na pamilya sa bansa.
Aniya maaaring magdulot ng legal challenges at lalo na ng political repercussions kung ipatutupad ang polisiya.
Una nang sinabi ng DILG na naisumite na nila sa DSWD ang panukala na huwag bigyan ng cash benefits ang mga hindi pa bakunadong 4Ps.
Nais ng DILG na ipatupad ang polisiya dahil sa marami sa mga benepisyaryo ay umaayaw pa rin na magpabakuna kontra COVID.
Moira Encina